Monday, January 24, 2011

Buwal Pari: Isang Laro Matitig

     Ang larong ito ay iba sa mga naunang laro. May kanya-kanya ng mga grupo na binubuo ng apat na mga miyembro. Sa loob na lang ng mga grupo ang labanan. Para itong pick-up sitcks pero posporo naman ang gamit. Kaya naging mahirap ang paglalaro dito. Ganoon din ang patakaran dito. Kung ano ang target o puntirya mo, yung lang yung pwedeng galawin. Mayroon ding sacrifice. Guguluhin yung kumpol ng posporo para kumalat at mas madaling kumuha ng posporo. Paramihan ng nakuhang posporo ang nangyayari sa huli.

     Kahit na nakaupo lang kaming apat. Naging masaya naman. Nag-iingay kami para mawala ag concentration ng isa at tinititigan naming maigi yung mga galaw ng kalaban para mas mapuna na nagkamali sila. Hahahaha! Grabe ang competitive talaga ng mga manlalaro. Kahit sa ibang grupo, nakakikita ko yung mga seryosong mukha ng mga taong turn na nila. Iniisip ko na karapat-dapat bigyan ng premyo yung mga seryosong-seryoso. Hahaha! Sa mga babae kapag hindi pa nila turn, nagtitiliin (yung iba lang) sila. Kaya medyo nakakagulo rin. Hahaha!

     Sa pagtatapos ng laro, nagbilangan na ng posporo. Natalo ako. Malas kasi wala na laging pwedeng makuha kapag turn ko na. Buti pa yung mga kalaban ko laging may nakukuha. Tapos buti na lang at may mag-sacrifice kaya nakakuha ako ng ilan. Hahaha! Sa aming apat, si Justin yung may pinakamaraming nakuha. May taktika kasi siya. Kahit yung mga mahirap kunin, nakukuha niya.

     Kung pwede ko lang baguhin yung laro, Gagawin ko ng pwedeng dalawa yung target mo para mas madali. At ang isa pa ay nag-sacrifice ka, pwedeng tumira ka pero divided by two yung mga makukuha mo. O di ba, mas madali na talaga yung laro at naging medyo mas exciting pa.

     Nakapaglaro na ako nito noong bata pa ako pero pick-up sticks talaga yun. Tapos naalala ko pa na kapag wala kaming normal na pick-up sticks, sanga ng puno ginagamit namin. Hahaha! Nakakatawa talaga.

     Dahil sa mga nangyari sa laro, gagawaran ko ng award na Pinakamasakit-sa-Mata Award ang larong ito. Kasi kailangang titig na titig ka sa mga posporo. Sumakit talaga ng kaunti yung mata ko. Malas na lang siguro ynug mga napuwing. Hahaha!

Batuhang Tao: Isang Larong Mabilis

     Tulad ng larong bago nito, kilala rin ito ng lahat pati na rin ng mga tao sa ibang bansa. Ito kasi yung larong dodgeball sa Ingles. Tulad ng nakasanayang mga patakaran, ang larong ito ay binubuo muli ng dalawang grupo. Isang grupo ang mamamato ng bola (ngunit ginawa na lang itong medyas na may mga panyo sa loob ni Ma'am) at ang isang grupo naman ay iiwas. Kapag natamaan ang isang manlalaro, out na siya o tanggal na sa kasalukyang laro. Pero pwede sila ulit buhayin sa pamamagitan ng pagsalo ng bola ng mga natitirang manlalaro.

     Naging maaksyon ang paglalaro namin. Kahit minsan natatagalan sa pagpulot ng bola, mabilis pa rin ang pagbato. Nakakatawa yung mga tiliin ng mga kaklase ko.Napakasaya kapag grupo mo yung taya pero kapag kayo yung babato, medyo boring na. Habang patagal ng patagal nadadagdagan yung bola pero nagkakaroon din ng taktika ang mga manlalaro. Medyo matagal din kaming naglaro.Tatlo o apat na beses pa ata namin itong nilaro. Tuwang- tuwa kasi kami. Hahaha! Grabe talaga yung mga tiliin habang umiiwas. Tapos noong umiiwas din paunti-unting nagpuntahan sa hagdan yung iba. Nakakatawa din yung iba't ibang klase ng pag-iwas at pagsalo sa bola. May tumatalon, may lumuluhod, at mayroon ding di sinasadyang makasalo. Hahaha! Nakakatawa rin yung ibang natamaan na. Nagiging double dead sila kasi natatamaan ulit sila. Hahaha!

     Ang kinalabasan ng laro ay karamihan sa laro ay panalo ng aming grupo. Kasi magagaling kami hindi lang sa pag-iwas pati sa tilian. Hahaha! Kapansin-pansin talaga yung kagalingan sa pagsalo ng bola ni James. Mas marami siyang nasalong bola kaysa sa akin. Dahil din sa pagkakasalo ng maraming beses sa bola, Nagkaroon kami ng extra lives. Ano to? Mario? Hahaha! Pagkaabot sa one extra life left, nadadagdagan ulit. Umabot pa nga ng sampu. Hahaha!

     Kapag binigyan ako ng pagkakataong baguhin ang laro,  gagawin kong iba-iba yung bola para may thrill na konti sa pagsalo.Tapos dapat dalawang beses masasalo yung bola para makapagligtas ng iisang kakampi.

     Madalas din namin itong nilalaro ng mga kaibigan ko noong mga bata pa kami. Iba-ibang klase ng bola yung ginamit namin. Mula sa bola ng basketbol hanggang sa jolen. Hahaha! Naalala ko tuloy yung sakit kapag natamaan ka ng jolen. Hahaha!

     Dahil sa medyo masakit sa binti ang larong ito, ang award na ibibigay ko dito ay Pinakamasakit-sa-Binti Award. Kahit hindi masyadong masakit yung akin. Mukhang nasakitan naman yung iba kasi nahihirapan na silang umilag. O sadyang tinatamad na sila. Hahahaha!

Agawang Base: Isang Larong Matahimik

     Ang larong ito ay siguradong kilalang-kilala ng lahat. Muli, panggrupo ang larong ito.Nakapwesto ang mga manlalaro sa kanya-kanya nilang base. Kapag nagtangka ang isang manlalaro na mantay at lumayo siya ng base, matataya lang siya ng kalabang sumunod na lumabas sa kanya. Kaya kadalasang ginagawa dito ay may pain at pagkatapos may mga reinforcements (Hahaha!) na susunod. Kapag nataya ang isang manalalaro ng kalaban, pupunta siya sa base ng kalaban at kapag marami na sila, pwede silang gumawa ng linya para mas madali silang iligtas ng kakampi nila. Makakapuntos lamang ang isang grupo kapag mas marami silang bihag o kaya kapag nakapunta sila sa base ng kalaban. Sa larong ito, kailangan din ng ng mga plano. Kapag walang umaksyon sa mga grupo at nagtitigan lamang, walang mangyayari kaya msasabing mock war game din ito.

     Sa ginawa naming paglalaro, hindi naging masyadong maaksyon noong simula. Madaya nga yung kabilang grupo kasi kami lagi yung nagpapapain tapos sila ay naghihintay lang. Kung baga, sa kanila yung mock amin naman yung war. Hahahaha! Lugi pa nga kami sa base  kasi halaman yung sa kanila tapos sila pa yung mag-a-assign kung ano yung base nila. Ang daya talaga! Ang tagal talaga noong laro. Halos nagtitigan lang kami at nag-mock ng nag-mock. Nagulat na lang kami noong may isang kalabang nakapunta ng patago sa base namin. Hindi napansin noong mga kasama ko pagkatapos akong mataya.  Habang bihag ako ng mga kalaban, mas napansin ko na talagang nagtititigan lang yung mga kaklase ko. Seryoso pa nga yung mga mukha nila. Hahaha! Noong pangalawang round nagkaroon kami ng plano na sabay-sabay sumugod pero nabigo naman kami kasi wala ni isang nakahawak sa baseng kalaban. Hahaha! Ang daya kasi naghintay lang sila ng naghintay.

     Sa huli, talo kami sa parehas na pagkakataon. Ang daya kasi talaga! Talagang pinilit no? Hahaha! Dahil sa nagulat kami sa pagkakaagaw sa base namin, si Neshi ang masasabing pinakamagaling na manlalaro. Naging ninja siya sa larong ito.

     Dahil nga sa ramdam na ramdam ko na luging-lugi kami (bitter pa rin. Hahaha!), naisip kong pagbabago sa laro ay dapat may bilingan na. Dapat nasa labas ng base ang mga manlalaro maliban sa isa. Bawal ng tumambay sa base. Dapat paikut-ikot na sila ng playing area. At isa pa, dapat mas malapit na yung mga base

     Noong bata ako, madalas namin itong laruin ng mga kaibigan ko. Ito kasi yung pinakapaborito naming laro. Isang buong bloke ang layo ng mga base namin. Hahaha! Naalala ko pa na umiikot pa kami sa  lugar namin para lamang agawin yung base ng kalaban mula sa likod. Isa pa naming taktika ay humawak ng mga dahon o sangang putol na at gamiting pang-camouflage. Hahaha! Grabe talaga. Naisip ko tuloy na mukha kaming mga tanga noon. Pero tuwang-tuwa naman kami. Grabe yung tawanan namin pagkatapos ng bawat laro.

     Bunga ng mga naranasan ko sa larong ito, naisip kong award dito ay Pinakamasakit-sa-Damdamin Award. Hahahaha! Hanggang ngayon nadadayaan pa rin ako.

Sis-sis-ki: Isang Larong Malapitan

     Napakagulo ngunit napakasaya ng larong ito. Sa larong ito, may mga grupo pa rin tulad sa naunang laro. nakalinya muli ang mga manlalaro at nakaharap sa kalabang grupo. Mas maliit na nga lang pagitan ng dalawang grupo. Ang tunay na ginagawa sa larong ito ay huhulihin ang ankle ng kalaban at hihilahin ito papunta sa base nila. Dahil sa napaka-brutal nito, binago agad ang laro. Kailangan na lamang hawakan ang ankle ng kalaban upang makapuntos ang manlalaro at paramihan na lang ng puntos ang mga grupo.Sa pangalawang pagbabago o variation, pwede ng umiwas ang mga manalalaro sa pamamagitan ng pag-angat ng paa mula sa lupa. Hindi siya pwdeng tayain hangga't wala sa lupa ang paa. Ang isa pang pagbabago ay pwede ng hulihin ang ankle ng katabi ng ng kalabang nasa harap ng manlalaro.

     Napakamaaksyon ng larong ito. Kapag may pagkakataon, kailangan hawakan mo agad o mahipo ang ankle ng kalaban mo. Talagang gamitin din ito ng utak. Kailangan may taktika ka upang makapuntos. Dahil sa larong ito, nadumihan ako. Kasi noong nagka-variation na, sinubukan kong itago yung ankle ko sa pamamagitan ng pag-angat sa mga ito ngunit nabigo lang ako kasi pinagtulungang ilapag ang paa ko ng mga kalaban. Wala na akong magawa kasi ang daming kamay na pumigil sa paa ko. Tapos yung mga kasama ko, wala na ring nagawa kaya hinawakan na lang nila ng maraming beses ang mga ankle ng kalaban. Hahaha! Buti na lamang nakapuntos pa rin ako. Grabe nadumihan talaga ako doon. Hahaha! Nakita ko yung mga kaklase ko na bigay todo sa paglalaro. Napansin ko na ang mga lalaki ay sobrang competitive. Ang mga babae naman ay halos nagtitinganan at naghihintayan. Siguro mas ginagamit nila ang mga isip nila kaysa sa amin. Hahaha!

     Pagkatapos ng laro, nagbilangan na ng puntos. Panalo kami sa unang pagkakataon ngunit talo naman noong sumunod. Wala akong masyadong napansing manalalaro maliban sa kalabang nasa harap ko. Ang ngalan niya ay Derek. Grabe talga noong hinila niya yung paa ko. Hindi na ako nakapalag kasi maraming kamay bigla yung sumunod. Hahaha! Muli wala akong nalarong ganito noong bata pa ako. Hindi kami masyadong mahilig sa pisikalan.

     Kung bibigyan ako ng pagkakataong baguhin ang laro, para makapuntos kailangan mahawakan mo ang ankle ng kalaban sa loob ng tatlong segundo. At isa ko pang naisip na pagbabago ay dapat dalawang kamay ang nakadikit o nakahawak sa ankle. O diba ang hirap noon, pero siguradong masaya. Hahaha!

    Napakabrutal talaga ng laro at sumakit ang ankle at likod ko doon kasi nakahiga na lang ako sa sahig noong pinagtulungan ako. Dahil dito, bibigyan ko ito ng award na Pinakamasakit-sa-Ankle Award.

Bihagan: Isang Larong Mapisikal

     Ang larong ito isang larong panggrupo at nangangailangan din ng isang malaking lugar para paglaruan. Sa larong ito, may dalawang grupo. Nakalinya ang mga miyembro ng bawat grupo habang nakaharap sa mga miyembro ng kalabang grupo. Ang mga nasabing miyembro ay nasa kanya-kanya nilang mga teritoryo/territory lines.Sa mga likod ng grupo ay ang prisoners' area at sa gitna naman nila ay ang netral area.Sa neutral area maghihilahan ang mga grupo. Maghihilahan sila hanggang madala nila ang kalaban sa teritoryo nila. Ang mga bihag ay pwedeng iligtas sa pamamagitan ng pag-tag sa kanila ng kagrupo nila. Isang napakalaking risk ang pagligtas sa isang bihag dahil dadaan muna ang isang manlalaro sa teritoryo ng kalaban bago mailigtas ang bihag.Sa dulo ng laro, paramihan sila ng mga bihag. Maituturing itong mock war game kasi halos magtititigan lang ang mga manlalaro kung walang aaksyon at maghihilahan.

     Sa larong ito, napagod ako ng husto dahil lagi akong hinihila ng mga kalaban. Katapat ko ay isang medyo malaki ang katawan na lalaki. Malakas siya manghila. Nahirapan akong pumiglas kasi madulas ang mga braso niya. Hahaha! At isa pa ay puro babae mga kasama ko kaya medyo nahirapan silang hilahin ako pabalik ng aming teritoryo. At dahil dito, naging bihag agad ako. Habang bihag ako, pinagmasdan ko ang aking mga kaklase. Nakakatawa silang tingnan kasi nagtititigan lang sila. Tapos noong may hilahan na, todo bigay sila sa paghatak. Buti na lamang at iniligtas ako ni Ma'am Grecia (oo minsan sumasali si Ma'am sa laro namin kaya lalong sumasaya). Kagad naman akong nakabalik ng teritoryo. Natawa naman ako kasi noong niligtas ako ni Ma'am ay nakatingin lang yung mga kalaban, akala nila parang wala lang. Hahaha! Sa dulo ng laro ay nagbilangan ng bihag. Natalo kami dito(kung tama ang pagkakaalala ko. hahaha!) sa pangalawang round pero sa unang laro ay nanalo kami. Ay! Naalala ko pa na nakasira ako ng bracelet ng kakampi kong babae. 

     Pagkatapos ng laro, pagod na pagod talaga ako at pakiramdam ko, bali na ang braso ko. Haha! Sa kabuuan, napakasaya ng larong ito lalo na't marami kaming naglaro. Sa mga naglaro, kapansin-pansin talaga yung lalaking nanghila sa akin, si Louville (pasensya kung mali spelling). Ang lakas niya sa ang hirap niyang hilahin. Baka dahil sa marami ng pawis braso niya. Haha joke lang! Hindi ko pa ito nalaro noong bata pa ako kaya isang bagong kaalaman at karanasan ito sa akin.

     Kung bibigyan ako ng pagkakataong baguhin ang laro, bibigyan ko ng pagkakataon ang mga bihag na iligtas ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagtakbo papunta sa teritoryo nila pero (eto na yung twist) dapat patalon sila papunta doon. Hahaha! At isa pa ay kung tutulong ka sa paghila, sa isang rbaso lamang ng iyong kakampi pwede kang humawak para maging mas mahirap.

     Dahil sa mga nangyari sa larong ito, ang larong ito ay bibigyan ko ng award na tinatawag na ang Pinakamasakit-sa-Braso Award. Totoo namang napakasakit sa braso ng larong ito kaya bagay na bagay ang award. Hahaha! Ang saya talaga ng larong ito.

Panimula: Bagong Simula

     Ang Blog na ito ay magsisilbing jounal ko para sa aking asignaturang PE2 Philippine Games. Naglalaman ito ng aking mga pagsubok, paghihirap, at kasiyahan aking napagdaanan at naramdaman habang nasa nasabing klase. Gamitin ninyo ang mga imahinasyon niyno para matunghayan at malasap niyo ng tunay ang diwa ng mga larong Pinoy. Siguradong maalala ninyo ang mga nilaro ninyong mga larong Pinoy noong mga bata pa kayo at makikita ninyo na lamang ang mga ngiti sa inyong mga labi habang binabasa ang nasabing Blog.